Saturday, May 21, 2011

Jiro Manio Nasa Rehab


News: Jiro Manio nasa isang rehab sa Antipolo City; nalulong sa masamang bisyo ang award-winning actor 

Nitong nakaraang Urian sa pagtanggap ng parangal ni Direk Maryo J delos Reyes para sa kanyang pelikulang MAGNIFICO na isa sa mga tinaguriang best films of the decade;  hindi napigilan ng batikang direktor ang maluha.  Hiniling niya sa lahat na ipagdasal si Jiro Manio.  Puspos ng dalamhating inilahad ni Direk na kasalukuyan ay nasa rehab si Jiro at harinawang sa kanyang paglabas doon ay tuluyan na itong magbago ng pananaw sa buhay at ipagpatuloy ang magandang simulain nito bilang aktor. Nakalulungkot isiping karamihan sa mga naging child stars ay nagkakaroon ng psychological imbalance sa kanilang paglaki. Marahil ito ay ang kanilang maagang pagkasigang sa mundo ng pagkukunwari at pagpapalit-palit ng katauhan sa iba’t ibang panoorin.  Nagiging kontrobersyal ang mga ito dahil lumilihis sa angkop at tanggap na kalakaran ng pag-iisip at pamumuhay ang kanilang natatahak.  Maaga rin silang naisasalang sa mga di kanais-nais na sitwasyong katulad ng eksploytasyon at pagpupuyat.  Marami din namang nagtatagumpay bilang matitinong mamamayan at alagad ng sining na kanilang napili.

Para kay JIRO… tanggapin mo nang may dasal ang lahat ng nangyari sa iyong buhay.  Hwag kang bumitaw sa iyong mga pangarap at lalo’t higit igalang mo ang iyong sarili!

 

No comments:

Post a Comment